lumaki ako na halos lahat ng gamit ko ay mga pinaglumaan ng pamilya. damit, sapatos, bag, mga hindi na magkasya, at mga laruang pinagsawaan na—sa akin ibinibigay. hanggang sa nasanay na ako na ang bawat gamit na ibinibigay sa akin ay mga gamit na alam kong pinaglumaan na.
labinlimang taong gulang ako nang magkaroon ako ng cellphone, at iyon ang kauna-unahang bagay na binili ni mama para sa akin na may halagang higit sa karaniwang kaya nilang ilaan. hanggang ngayon, tanda ko pa rin ang bawat detalye nito: oppo, kulay pula, at higit sa lahat, bago. binili para sa akin. hindi pinaglumaan.
noong araw na binili iyon, iyon din ang araw na nangako ako sa sarili na kung kaya ko na, hinding-hindi ko ipagkakait sa sarili ang mga bagay na gusto ko. at babawi rin ako sa pamilya ko, dahil kahit sila mismo, lumaki rin sa mga bagay na pinaglumaan ng iba.
inaamin ko na kung minsan noon, naiinggit ako sa mga kasabayan kong binibilhan ng mga laruan at kung anu-anong bagay na gusto nila, lalo na kapag may mga bagong nauuso.
hindi ko maiwasang mapatanong sa sarili,
kung hihingi kaya ako kina mama ng ganito, bibilhan kaya ako?
at bumabalik ako sa katotohanang,
“wala naman kaming sapat na pera para sa mga ganitong bagay.”
hanggang sa nakasanayan ko nang huwag humingi, huwag magtanong, huwag nang asamin ang mga bagay na alam kong, sa estado ng buhay namin, ay hindi kayang laanan ng “ganahan ka ana? palit ta ana.”
kaya ngayon na may kakayahan na akong bilhan ang sarili ng mga bagay na dati ay kaya ko lamang hiramin, pagmasdan, o pangarapin, hindi ko na inaantala ang pagbili at paggamit ng mga dahilan tulad ng “hindi ko naman kailangan. hindi naman praktikal. masisira rin naman. pagsasawaan ko rin.”
binibili ko na.
dahil alam kong magagalak ang batang ako sa katotohanang kaya na naming bilhin ang mga bagay na akala namin noon ay magkakaroon lamang kami kung may magbigay ng pinaglumaan nila.
wala akong tampo sa mga magulang ko kung bakit laging pinaglumaan ng iba ang ibinibigay sa akin. nainggit ako noon, oo, ngunit bilang bata, wala pa naman akong sapat na muwang upang maintindihan kung gaano kahirap kumita ng pera.
may sapat lamang akong pang-unawa upang mapansin na iba ang estado ng buhay namin sa ibang kabataang kasabay kong lumaki.
at dahil na rin sa mga pinaglumaan na iyon, natuto akong pahalagahan ang mga bagay na tila wala nang halaga sa iba.
natuto akong maging kontento sa kung anong mayroon,
at natuto akong tingnan ang pinaglumaan sa panibagong anggulo.
kaya ngayon, hangga’t may kakayahan akong bumili nang hindi naaantala ang mga responsibilidad ko sa buhay, binibili ko na. at ang higit pang asam ko noon, kaya ko na ring bilhan sila mama at papa. kaya ko na ring magbigay sa mga kapatid ko.
paunti-unti, sapat para bumawi.
siguro, iyon din ang isa sa mga bagay na natutunan ko—na ang halaga ng isang bagay ay hindi naman palaging nasusukat kung bago o luma ito, kundi sa kung gaano ito pinahahalagahan, kung paano ito ginagamit, at kung anong alaala ang naiiwan nito.
ang dating batang binibigyan lamang ng pinaglumaan,
ngayon ay kaya nang bumili para sa sarili.
at higit pa roon,
kaya na ring magbigay.
kaya naman kung nakikita ninyo akong wagas magwaldas ng pera para bumili ng kung ano-ano, pakikaltukan na lamang ako.
masyado na akong magastos.
tala ng may-akda:
— isinulat ni @achilleusdeirdre
— ika-28 ng oktubre, taong 2026
— bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
— maliliit na titik, sadya para sa lagdang pagsusulat.
Leave a Reply