gusto ko nang magmahal… gusto kong magmahal… hindi ko masasabing gusto ko nang muling magmahal dahil hindi ko pa naman nararanasang magmahal.
nakakatawang isipin na sa ilang daang pahinang naisulat ko, at iilan doon ay tungkol sa pag-ibig, hindi ko kailanman naranasang magmahal.
o baka, nagmahal na talaga ako?
hindi ko lang matandaan ang anyo ng pagmamahal na iyon dahil hindi naman ako naging pamilyar sa kung anong hugis nito?
paano nga ba nasasabing mahal na natin ang isang tao?
binibigkas na lamang ba ang salitang “mahal kita” sa kadahilanang, sa palagay natin, mahal na natin ang tao? gaano ba dapat kalalim at katagal bago natin mapagtanto na ito ang tamang tao?
at masabing, “nahanap din kita.”
ika nila, sa ilang bilyong taong namumuhay sa mundo, may isang taong nakalaan para sa’yo. may isang taong magmamahal at pipiliin ka araw-araw. hindi naman sa sumasalungat ako rito, sadyang palaisipan lang sa akin kung kusa na lamang ba itong dumarating, o kinakailangan pa nating kilalanin ang anyo ng pag-ibig na dala ng bawat tao.
dahil lahat tayo ay may iba’t ibang lengguwahe ng pagmamahal.
hindi ko alam kung takot lang ba akong magmahal kung kaya’t lahat ng anyong nais akong kilalanin ay hindi ko pinagbibigyan, at lagi kong kinukwestyon ang bawat intensyong nais nilang ipahiwatig.
baka hindi naman talaga ako takot magmahal.
baka hindi lang ako pamilyar sa kung paano ito tinatanggap mula sa ibang tao. dahil ang alam ko lamang na pagmamahal ay ang lalim na kaya kong ibigay at ilaan.
kaya sa tuwing may taong nagpapahiwatig, agad kong naiisip…
hanggang kailan ito magtatagal?
gaano kalalim ang nais nitong ipahiwatig?
pansamantala ba, o kaya ba nitong manatili?
dahil ayaw kong magmahal at ayaw kong mahalin nang may taning.
ayaw kong dumating sa puntong kailangan ko pang hulaan kung kailan matatapos ang isang bagay na akala ko ay nagsisimula pa lamang.
hindi ko hinihinging pareho kami ng paraan ng pagmamahal. alam kong magkakaiba tayo ng lengguwahe, ng paraan ng pagpapakita, ng lalim na kaya nating ibigay, at ng bagay na kaya nating isakripisyo.
hindi naman kailangang pareho ang bigat ng bawat hakbang.
ang ayaw ko lamang ay baka sa una lamang magaling. baka sa simula lamang marunong manatili. baka dumating ang araw na mapagod, matakot, o magsawa kapag nakita na kung gaano kalalim ang kaya kong ibigay.
gusto kong magmahal nang alam kong hindi lamang ako ang handang manatili. at marahil, iyon lamang naman ang hinihintay ko. hindi ang taong kapareho kong magmahal, kundi ang taong handang salubungin ang paraan kung paano ako magmahal.
isang pagmamahal na hindi kailangang pareho ang hugis,
ngunit pareho ang hangaring manatili.
dahil ayaw kong magmahal nang tipid,
at mas lalong ayaw kong mahalin nang tipid.
ayaw kong magsayang ng oras at panahon sa isang bagay na hindi ko alam kung hanggang kailan. ayaw kong maglaan nang buo para sa isang pagmamahal na sa simula lamang marunong manatili.
at baka, doon ako nagkakamali.
baka ako rin pala ang problema… sa paraan ng pag-iisip, sa pagnanais na maging pulido ang bawat bagay, na para bang pati pag-ibig ay kailangang may tamang ritmo bago ko payagang bigkasin ang himig.
baka ako ang bagyo.
hindi dahil nais kong manakit o manlunod, kundi dahil bago pa man makalapit ang sinumang nais magpahiwatig, nauuna na akong maghanda para sa unos.
inuuna ko nang tanungin ang wakas
bago pa man magsimula ang kuwento.
gaano katagal?
hanggang kailan?
paano kung matakot?
paano kung magsawa?
paano kung hindi kayanin?
paano kung sa huli ay magsisi?
baka sa kakaisip ko kung paano ako mamahalin, ako pala ang unang humahadlang sa sinumang sumusubok. sa bawat taong nais lumapit, nauuna akong umatras, magduda, at maghanda sa pagkawala kahit wala pa namang nawawala.
at baka iyon ang tunay na kabalintunaan: gusto kong magmahal, ngunit gusto kong makasiguro muna bago ako sumugal.
baka sa takot na masayang ang pagmamahal na kayang ilaan, sa pag-iingat na huwag ibigay sa maling tao ang isang pag-ibig na hindi tipid, ang pagkakataong magmahal ay nauuwi sa paghihintay at palaisipang “gusto kong [nang] magmahal.”
at baka, sa totoo lang,
hindi naman talaga ako takot.
baka tamad lang yata akong umibig.
tala ng may-akda:
— isinulat ni @achilleusdeirdre
— ika-24 ng oktobre, taong 2026
— bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
— maliliit na titik, sadya para sa lagdang pagsusulat.
Leave a Reply