alas singko ng madaling araw nang magising ako upang maghanda para sa panibagong araw sa trabaho.
si papa ang laging nauunang gumising upang magsaing. ngunit ngayong umaga, wala siya. si mama naman ang naghahanda ng uulamin.
natapos na akong maligo, ngunit hindi pa rin bumabangon si mama. wala pa ring nagsasaing. kaya napagdesisyunan kong ako na lang ang magsaing.
madali na rin naman dahil may rice cooker na.
kumuha ako ng dalawang takal ng bigas. sa palagay ko, sapat na iyon para sa almusal. habang hinuhugasan ko ang bigas, alam ko naman kung ilang takal ng tubig ang dapat ilagay.
dalawang takal ng bigas; dalawang takal ng tubig.
ngunit nang ilagay ko na ang tubig, parang kulang. pinag-isipan ko kung sapat na ba talaga. at dahil sa pagdadalawang-isip, dinagdagan ko pa ng isa pang takal.
sapat lang para makasiguro.
nagising na si mama at naghahanda na rin ng uulamin. gising na rin ang mga kapatid ko at nagsisimula nang maghanda para sa kani-kanilang araw.
nang papunta na ako sa kusina upang kumain,
narinig ko ang kapatid ko.
“ma, luto na ang kan-on?”
“oo,” sagot ni mama.
kung kaya’y inantala ko muna ang pagpunta sa kusina para marinig kung ano pa ang pag-uusapan nila tungkol sa sinaing.
hanggang sa narinig ko—
“basa man ni.”
natawa na lamang ako.
pero kalaunan, napaisip ako.
ang akala kong kulang ay sobra pala.
ang dalawang takal na alam kong sapat ay ginawa kong tatlo dahil lamang sa pag-aalinlangan.
baka ganoon din tayo sa maraming bagay.
kapag hindi tayo sigurado kung sapat ang naibibigay natin, dinadagdagan pa natin. nagbibigay nang kaunti pa. naglalaan nang higit pa. hindi dahil hinihingi, kundi dahil natatakot tayong dumating sa punto na may masasabi tayong, sana dinagdagan ko pa.
kaya nagbibigay tayo nang sobra para makasiguro.
sobra sa oras.
sobra sa pag-unawa.
sobra sa pagmamahal.
sobra sa sarili.
hanggang sa hindi na natin napapansin na ang bagay na pilit nating dinaragdagan ay hindi naman pala nangangailangan ng higit pa. at kung minsan, ang mismong pagnanais nating makasiguro ang nagiging dahilan kung bakit nasosobrahan ang ating ibinibigay.
aminado akong hindi ako sanay gumawa ng mga gawaing-bahay. madalas, nariyan sina papa, mama, at ang mga kapatid ko para gumawa ng mga bagay na iyon. hindi rin naman ako inuutusan, kaya siguro nasanay akong alam kong kahit hindi ko gawin, may gagawa at gagawa para sa akin.
hindi naman sa hindi ko alam.
alam ko kung ilang takal ng bigas. alam ko kung gaano karaming tubig ang ilalagay. alam ko dahil matagal ko nang nakikita kung paano ginagawa nina papa at mama ang mga ito.
natuto akong magmasid, ngunit hindi natutong magsanay.
siguro, iyon ang pagkakaiba ng alam sa sanay.
maaaring alam natin kung paano gawin ang isang bagay,
ngunit iba pa rin kapag katawan na mismo ang kailangang gumawa.
at baka iyon din ang dahilan kung bakit ako nag-atubili sa simpleng pagsasaing.
hindi naman sa wala akong alam.
nagduda lang ako sa alam kong sapat.
at baka ganoon din sa pagbibigay. kung minsan, hindi naman kakulangan ang dahilan kung bakit patuloy tayong nagdaragdag, kundi ang takot na baka hindi maging sapat ang ating naibigay.
kaya kahit alam na natin kung hanggang saan lamang ang kailangan, pinipili pa rin nating maglaan nang higit pa, para lamang makaiwas sa posibilidad na may kulang tayong nagawa.
dahil hindi lahat ng sobra ay nangangahulugang higit na mabuti. may mga bagay na kapag dinagdagan nang dinagdagan, hindi na napupunan ang kakulangan—nasasapawan na ang sapat.
gaya ng sinaing ko.
alam kong dalawang takal lang ang kailangan.
pero dahil inakala kong kulang, nagdagdag ako.
at naging basa ang sinaing ko.
siguro, may mga pagkakataong kailangan lang nating magtiwala sa kung ano ang sapat. hindi nangangahulugang wala na tayong maibibigay pa, o hindi na natin kayang maglaan nang higit. marahil, kailangan din nating matutunang kilalanin kung kailan hindi na kailangan ang higit pa.
minsan, sapat na ang sapat.
kailangan lamang nating matutunang huwag itong pagdudahan.
saan na ba kasi si papa?
siya na lang talaga ang dapat na magsaing.
tala ng may-akda:
— isinulat ni @achilleusdeirdre
— ika-27 ng oktubre, taong 2026
— bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
— maliliit na titik, sadya para sa lagdang pagsusulat.
Leave a Reply