“ang laylayan ay hindi dilim ng bayan,
kundi ugat na matagal nang nakakubli sa lupa.”
sa bawat kanto ng lungsod at sa bawat liblib na baryo, may mga tinig na nilulunod ng ingay ng mundo—mga tinig na pilit isinasantabi, mga salitang tinatakpan ng katahimikan, at mga pangarap na unti-unting inuupod ng gutom at kawalan.
ang mga mapanuring pahina ay tala ng matang hindi pumipikit: nakamasid sa bitak ng lipunan, nakikinig sa himig ng lansangan, at itinatala ang pintig ng mga pusong matagal nang nananabik marinig. hindi ito simpleng pagtatala, kundi paraan ng paghuhubad sa nakatagong mukha ng lipunan—pagbubunyag sa mga sugat na matagal nang tinatakpan ng ginto at pilak.
ito ay mga tala mula sa binhing gustong sumibol sa lupaing nilimot; mula sa kamay na humahabi ng pagbabagong dumarampi muna sa diwa bago sa gawa. mga kuwentong sa mata ng iilan ay tila alikabok lamang, ngunit sa katotohanan ay hiblang nag-uugnay sa damit ng katarungan.
dito nakaugat ang layunin ng mga mapanuring pahina: ilantad ang katotohanan, ipakita ang dumi na umiiral sa bulok sistema. gisingin ang mambabasa na mag-isip, magduda, kuwestiyonin, at kumilos upang hamunin ang kaayusang hindi patas. ito ay tugon laban sa katahimikan—isang panawagan na baliktarin ang tatsulok at ibalik ang tinig sa mga matagal nang itinulak sa laylayan.
ang mga mapanuring pahina ay paalala’t paanyaya: huwag hayaang kupasin ng ginto ang kulay ng dangal, huwag hayaang tabunan ng pilak ang mukha ng katotohanan. panahon nang baliktarin ang tatsulok—iangat ang tinig ng mga nasa laylayan, at ibalik ang kapangyarihan sa tunay na may-ari nito: ang sambayanan.
sulok ng tatsulok—maging boses ng mga nasa laylayan, sapagkat sa kanilang tinig, babangon ang bayan.
tala ng may-akda:
— isinulat ni @achilleusdeirdre
— ika-1 ng agosto, taong 2025
— bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
— maliliit na titik, sadya para sa lagdang pagsusulat.