The Ruin Script

a sanctuary of verses—where silence shatters, wounds speak, and the condemned are silenced in flesh.


“ang tunay na presyo ng edukasyon ay hindi nakatala sa bayarin,
ito ay nakaukit sa bawat pagyuko at paghihirap ng magulang.”


hapon na, kakauwi ko lang galing eskwela. hindi mapakali, iniipit ng kaba ang aking dibdib. bukas, kailangan ko ng pera para sa eskwela: para sa bayarin, para sa mga pangarap na parang laging nakatali sa kakulangan. hawak ko ang bag na luma’t butas na, kasabay ng paghaplos sa mga taong pagtitiis at pagtitipid.

“nay,” mahina kong tawag, halos hindi ko marinig ang sarili kong tinig. “yung nabanggit ko nong nakaraan, kailangan ko na po pala bukas.”

napatingin siya sa akin, saka marahang binuksan ang pitakang kupas. laman nito’y mga resibo—walang bakas na pera, walang sapat. nakita ko kung paano dumapo ang lungkot sa kanyang mga mata, kung paano siya saglit na yumuko bago muling nagpakatatag. akala ko’y sasabihin niyang wala, ngunit ngumiti siya. ngiting pilit. ngiting matapang.

“anak, pasensya na’t nawala sa aking isipan.
hahanap ako ng paraan, huwag kang mag-alala.” 

hindi ko alam kung bakit lalo akong nasaktan sa kanyang sinabi. nakangiti siya, ngunit sa likod ng ngiti’y nakatago ang gutom, ang hiya, at ang pagod na matagal nang tinitiis. alam kong wala, ngunit mas pinili niyang bigyan ako ng pag-asa kaysa ipakita ang hapdi ng katotohanan.

kinagabihan, patay na ang kandila, narinig ko ang kanyang mga yabag palabas. mula sa siwang ng bintana, nakita ko siyang naglalakad sa madilim na eskinita, kumakatok sa mga pinto. alam ko, nakikiusap siya, humihiram. bawat pintong sarado ay sugat na nakatago sa ngiting pilit niyang isinusuot. at sa baryang naiaabot, kapalit noon ang pagyuko at ang paglunok ng kanyang hiya.

kinaumagahan, iniabot niya sa akin ang perang nakatiklop. ngumiti siya, ngiting matamis, puno ng pag-asa. para bang wala lang, na para bang hindi siya naglakad magdamag upang mangutang. sa kanyang mga mata, may bakas ng pagod, ngunit ipinapakita niya sa akin ang liwanag, ang pananalig na kakayanin namin ito.

at ako, na naglalakad papasok sa paaralan, dala-dala ko rin iyon. bawat bayad na inilalabas ko sa aking bulsa ay hindi pera kundi pawis, hiya, at pagod ng isang inang nagsakripisyo para sa isang bukas na hindi tiyak kung darating.

sabi nila, libre raw ang edukasyon. ngunit ano ang libre, kung bawat klase ay binabayaran ng pawis. kung bawat pagsusulit ay sinusuhulan ng luha. kung bawat pangarap ay tinutubos ng kalusugan at katawan ng aking ina.

at sa lahat ng ito, isang tanong ang paulit-ulit na umuukit sa aking isipan: hanggang kailan sasabihin ng lipunan na libre ang pag-aaral at paano ito naging libre kung dugo’t pawis ng mahihirap ang kapalit ng diploma?


tala ng may-akda:
 isinulat ni @achilleusdeirdre
 ika-22 ng agosto, taong 2025
 bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
 maliliit na titik; sadya para sa lagdang pagsusulat.

Posted in

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started