The Ruin Script

a sanctuary of verses—where silence shatters, wounds speak, and the condemned are silenced in flesh.


“ang panggagahasa ay hindi kahihiyan ng babae,
kundi sumpa ng lipunang bulag sa katarungan.”


sa isang lungsod na nababalot ng ingay at usok, kung saan ang bawat liblib na kanto ay may kuwento, at ang bawat galaw ay may sentimo, may mga tinig na pinipilit lunurin ng kapangyarihan. ang lungsod na nagbabalatkayo ng progreso, may mga nakatagong sugat na pilit tinatakpan ng mga proyekto. sa ingay ng ugong ng traysikel, ang sigaw ng mga tsuper, ang mga munting tinig ng mga batang namamalimos, at ang mga estudyanteng tumatawad sa ukay-ukay, may mga sigaw na hindi naririnig—mga sigaw na nagsusumamo na ang saplot ay huwag punitin.

“patas ang batas,” wika ng lipunan. ngunit ilang ulit na ba itong hinubog ng salapi? ilang pangalan na ba ang nilinis kapalit ng pananahimik? ilang ulat na ba ang itinaboy, tinakpan, at nilunod? 

“huwag po… parang awa niyo na.”

dalawang bulaklak na hindi pa ganap na namumukadkad ang tinanggalan ng talutot. hindi sila prinotektahan ng bakod; sa halip, ang mismong bantay na naka-uniporme ang siyang nagbukas ng tarangkahan, naglapastangan sa kanilang halimuyak, at nag-iwan ng mantsang hindi kailanman mahuhugasan.

“dangal ng isang babae ang kanyang puri,” isang kasabihang ginawang panakip ng lipunan, para bang ang pagkawala nito ay katapusan ng kanyang halaga. ngunit ang tunay na mantsa ay hindi nasa katawan ng biktima, kundi nasa kamay ng naglapastangan.

gumising ka, hustisya. nasa harap mo na ang mga luha, ang mga basag na tinig, at ang mga sugat na hindi kailanman maghihilom. huwag mong hayaang pilak at ginto ang pumiring sa iyong paningin. huwag mong hayaang tumbasan ng salapi ang iyong hatol.

bumoses ka, kabataan. huwag maging pipi’t bulag sa nasaksihan, huwag hayaang takot ang magtakip sa iyong mata’t bibig. itarak ang punyal ng tinig sa kaluluwang bulok sa lipunan. pasiklabin ang apoy ng paglaban, sapagkat hindi kayo basta kabataan lamang—kayo ang boses ng bukas.

pagbayarin ang dapat pagbayarin. hindi dangal ng biktima ang nasira, kundi dangal ng lipunang patuloy na pumapayag sa ganitong uri ng karahasan. huwag hayaang manatiling alipin ng pang-aabuso ang mga walang kalaban-laban. sapagkat ang panggagahasa ay hindi simpleng kasalanan, ito ay krimen laban sa dangal. laban sa lipunan. laban sa kinabukasan.

hanggang kailan natin ipagkakait ang katarungan at patuloy na hayaang lumaya ang mga halimaw habang ang mga biktima ay pinapasan ang kasalanang hindi kailanman kanila?


tala ng may-akda:
 isinulat ni @achilleusdeirdre
 ika-16 ng agosto, taong 2025
 bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
 maliliit na titik; sadya para sa lagdang pagsusulat.

Posted in

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started