The Ruin Script

a sanctuary of verses—where silence shatters, wounds speak, and the condemned are silenced in flesh.

kumusta ka?
payapa na ba ang iyong puso?

ako? ayos lang.
sapagkat muli mo akong dinalaw sa aking panaginip.

ilang taon na rin ang lumipas mula noong huli kitang masilayan, unti-unti nang kumukupas ang larawang nakangiti tayong dalawa. at ang iyong mga liham? halos hindi ko na matandaan ang bawat salitang minsan mong minarkahan ng pagmamahal.

binuksan ko ang kahon ng ating mga alaala, may mga sulat na hindi naipadala, nabalot na ng katahimikan. isang papel ang pumukaw ng aking pansin, naninilaw na sa tagal. nang buksan ko, malinaw pa rin ang tinta at mga salitang isinulat ko noon:

mahal, kumusta ka?

sa totoo lang, hindi ko alam kung paano sisimulan ang liham na ito, at tiyak akong hindi ko ito maipapadala sa’yo. kay bilis ng panahon—parang hampas ng alon sa dalampasigang matagal nang iniwan. ilang buwan na ang lumipas at hanggang ngayon, binabalikan ko pa rin ang bakas ng ating mga alaala. hindi ko inakalang magwawakas ang kuwentong isinumpa natin kay bathala—walang hanggan—ngunit bihira ang ganoon. nagtapos tayo, at ako ang lumisan. hindi dahil nawala ang pagmamahal, kundi dahil dumating ang araw na hindi ko na kayang tanggapin ang bigat ng mga salitang hindi mo kailanman sinabi.

may mga lihim kang tinago sa pagitan ng iyong matatamis na salita, mga detalye ng iyong nakaraang binalot mo sa katahimikan, at mga sugat na hindi ko alam na iyong dala, hanggang sa kusa silang sumabog sa pagitan natin. pinili kong magbulag-bulagan noon, sapagkat mahal kita. akala ko kaya kong yakapin ang buong ikaw, kahit ang mga bahaging hindi ko kilala. ngunit paano ko yayakapin ang isang anyong walang hugis? paano ko hahawakan ang isang silahis na lagi mong tinatakpan sa dilim?

kaya patawad kung kumalas ako kahit nangako akong hindi bibitaw. at ngayon, nasa piling ka na ng iba. masaya ako para sa’yo. marahil iyon ang pinakamainam para sa atin. nang tinuldukan ko ang kuwento, tuluyan mo na ring isinara ang libro, kasama ang mga pahinang kailanman ay hindi mo hinayaang mabasa ko.

matagal kong tinitigan ang liham. walang luha. walang poot—isang katahimikang parang dagat sa gitna ng gabi. tiniklop ko ito. ibinalik sa kahon. muling isinara. para bang inuukit sa hangin ang huling pamamaalam.

akala ko noon, kapatawaran ang susi sa paghilom. ngunit may mga sugat na hindi kayang tahiin ng oras, kahit patawarin ay hindi naghihilom. kaya mas pinili ko na lamang lisanin ang akala ko’y tahanan at hayaan ang kuwentong minsan kong pinaniwalaang walang katapusan.


tala ng may-akda:
 isinulat ni @achilleusdeirdre
 ika-15 ng agosto, taong 2025
 bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
 maliliit na titik; sadya para sa lagdang pagsusulat.

Posted in

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started