The Ruin Script

a sanctuary of verses—where silence shatters, wounds speak, and the condemned are silenced in flesh.

nakaupo ako sa bench ng plaza heneral santos. kakatapos lang ng klase, pagod sa mahabang lakad at sa iniisip na tila walang katapusan. ako ay isang simpleng mamamayang pilipino, tahimik na nagmamasid sa mundo sa sariling paraan. hindi ako taga-gobyerno, hindi rin tagapag-ayos ng lipunan—isang indibidwal lamang na nakaupo, nanonood, at nagtatala ng reyalidad.

sa harap ko, mga batang humihingi ng barya. nakaupo, nakabaluktot ang tuhod, tasa sa kamay, kumikislap sa huling sinag ng hapon.

“ate, palimos po… pangkain lang.”
“kuya, kahit barya lang po… pangkain lang sana.”

tinatalikuran. tinatanggihan. parang salot sa lipunan. nanginginig sa lamig at gutom, ngunit nananatili—sanay nang mabuhay sa lansangan. bawat barya sa tasa nila ay maliit na bituin sa madilim na kalawakan ng kawalan: kaunting kanin, kaunting tinapay, kaunting pangarap.

sa kabilang kalsada, mga batang naka-uniporme, papunta sa paaralan. naiinggit sila sa normal na buhay: silid-aralan, libro, guro. sa lansangan, ang paaralan ay ang buhay mismo—natututo silang humingi, maghintay, magbakasakali. diploma? wala. gantimpala? gutom. pawis. panganib.

ang mga bata ay estudyante ng lansangan, at ang barya sa kanilang palad ay munting bituin, nagsisilbing liwanag sa madilim na mundo, ngunit paalala rin ng kakulangan ng lipunan.

may batas at gobyerno, may programa, social welfare, regulasyon laban sa pagtulong sa nanlilimos. sa praktika? bata sa lansangan. walang barya. iniwan sa dilim. batas at sistema? nakatuon sa kaayusan, hindi sa bata. ang batas ay regulasyon, hindi solusyon; maraming programa, ngunit hindi naaabot ang tunay na nangangailangan. korapsyon, kapabayaan, politika—ang tunay na krimen laban sa pag-asa.

nanatili akong nakaupo sa bench, tahimik na nagmamasid. ang bawat bata, barya, at anino—lahat ay leksyon ng lipunang puno ng balakid, batas, at kahirapan. at ang tanong na bumabalot sa aking isip, mabigat at malinaw:

patas ba ang batas kung ang barya pangkain ang tanging lunas ng mga batang tinataboy ng lipunan? kung ang bawat sentimo sa tasa nila ay hagupit ng konsensya ng bayan?


tala ng may-akda:
 isinulat ni @achilleusdeirdre
 ika-4 ng agosto, taong 2025
 bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
 maliliit na titik; sadya para sa lagdang pagsusulat.

Posted in

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started