The Ruin Script

a sanctuary of verses—where silence shatters, wounds speak, and the condemned are silenced in flesh.

banayad ang hapon, ngunit mabigat ang hangin. mula sa siwang ng bintana, sumisingit ang liwanag na may kasamang alikabok—parang manipis na ulap na dahan-dahang bumabalot sa dibdib, pinipiga ang bawat paghinga. mabagal ang takbo ng oras, tila ba pag-usad ng buhay ng isang taong matagal nang hinubaran ng pangarap.

sa labas, humahalo ang sigaw at halakhak ng mga batang naghahabulan sa kalsada, inosente sa bigat ng mundong nakatago sa likod ng kanilang murang edad. mula sa malayo, may huni ng mga ibon, may halakhak ng tindera sa kanto, at kalansing ng barya sa lata—mga tunog na tila nagpupumilit gawing magaan ang hapon, kahit alam mong sa ilalim nito’y may kumakalam na sikmura.

“ang dami nilang lakas,” mahina kong sambit, hindi ko tiyak kung para kay iska o para sa aking sarili.

“bata pa sila,” sagot niya mula sa kabilang kama, hindi inaalis ang tingin sa telepono. “hindi pa nila alam.”

hawak ang kanyang telepono, walang tigil sa pag-scroll hanggang sa huminto. ilang saglit siyang nanahimik bago muling nagsalita. “kwento ng anak na isinuko ang lahat para sa pamilya. napaisip tuloy ako… kaya ko kaya ‘yon?”

“wala ka namang pagpipilian minsan,” mabilis kong tugon. “kapag wala kang pera, wala kang liko. diretso lang hanggang sa mapagod.”

hindi siya agad sumagot, kaya ako na ang nagpatuloy.

“minsan iniisip ko, may saysay ba itong lahat?” marahan kong ikinuyom ang kumot sa kama. “may patutunguhan ba ‘to, o pangarap lang na unti-unting kinakain ng kahirapan?”

tumingin siya sa akin. “gusto mo bang marinig ang totoo?”

“oo,” mariin kong tugon, kasabay ng panlalamig ng aking mga kamay.

“hindi lahat ng pangarap na kayang buhatin ng puso, kayang buhatin ng bulsa.”

parang may matalim na bagay na tumusok sa aking dibdib, pero tanging malalim na paghinga lamang ang aking naisagot.

“nais kong maging sandigan nila,” bulong ko. “nais kong makita silang ngumiti nang walang kasamang gutom o iniisip na bayarin. nais kong madama ng mga kapatid ko na sapat ang lahat, na hindi nila kailangang mangarap ng mga bagay na imposibleng abutin. pero habang iniisip ko kung paano… mas lalo lang lumalayo ang pinto.”

umiling siya, ngumiti ng mapait. “baka kasi maling pinto ang tinitingnan mo. o baka… hindi lahat ng pinto, bukas para sa atin.”

matagal kaming natahimik. tanging orasan, huni ng mga ibon, at malayong ugong ng tricycle ang nagsisilbing ingay sa paligid.

“huling taon ko na sa kolehiyo,” halos pabulong kong wika. “pero sa harap ko, puro hamog. walang gabay. at habang tumatagal, mas lumalakas ‘yung takot—na baka hindi ko matupad ‘yung pangarap ko.”

“pangarap?” tanong niya, mabagal at mabigat ang boses, parang batid na niya ang sagot.

“na balang araw… maiaahon ko sila sa hirap.”

tumingin siya sa akin nang diretso, at doon ko nakita ang parehong takot na gumuguhit sa mata niya. pero wala siyang binigkas na pampalubag-loob. walang, “makakaya mo ‘yan,” o “darating din ‘yan.” dahil pareho naming alam—hindi iyon tiyak.

napatingin ako sa pader. kupas na ang liwanag. sa labas, patuloy ang laro ng mga bata, walang kamalay-malay sa digmaang naghihintay sa pagtanda nila.

at doon ko naisip—paano kung lahat ng ginagawa ko ay walang patutunguhan? paano kung lahat ng pagod, lahat ng gabing walang tulog, lahat ng kirot na nilulunok araw-araw… ay para lang mabuhay nang sapat para muling magpakapagod bukas? paano kung hindi talaga para sa amin ang pag-ahon?


tala ng may-akda:
 isinulat ni @achilleusdeirdre
 ika-9 ng agosto, taong 2025
 bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
 maliliit na titik; sadya para sa lagdang pagsusulat.

Posted in

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started