humahalimuyak sa gabi ang kalawang mula sa rehas na kumulong sa katotohanan habang sa labas ay gumagapang ang mga kamay na parang ahas, nag-aabot ng sobre na amoy-lupa kapalit ng paglimot; kung ang susi ng kalayaan ay matagal nang nakabaon sa bulsa ng makapangyarihan, hanggang kailan tatanggapin ng bayan ang gintong kandadong pumipiring sa sariling mga mata habang ang leeg ay pinipiga ng malamig na bakal?
uumusal ang hangin ng balitang bumulong tungkol sa magkapatid na natagpuang walang buhay sa sariling tahanan—sinakal ng kamay na minsang tinuring na kanlungan—tinabunan ng bulaklak, sermon, at katahimikan; habang ang batas ay nakabalot sa balat ng inosente, pinoprotektahan ang kamay ng mamamatay sa ilalim ng ulap ng pagkabata, hanggang kailan mananatiling nakabaon sa anino ang dugo ng inosente bago magising ang hustisya?
sa gilid ng kalsada, mga batang ginawang lata—walang laman kundi kalansing ng baryang itinapon para patahimikin—habang sa likod ng saradong pinto may mga matang saksi sa panggagahasa na tinakpan ng takot at binili ng suhol; kung ang puri at tinig ay kapwa tinutumbasan ng presyo, anong uri ng bayan ang magbubulag-bulagan sa dangal na ninakaw?
tinambakan ng tarp ng kampanya ang sugat ng lungsod, tinakpan ang bitak ng kalsada at baho ng imburnal, habang sa likod ng ngiting naka-print nabubulok ang laman ng kaban ng bayan; kung ang mukha ng kapangyarihan ay telang nakabalot sa naaagnas na katawan ng bayan, kailan dudurugin ang larawan at ibaon sa mukha nila ang sariling pagkabulok?
inilibing sa dilim ang mantsang naiwan sa blouse ng batang estudyante, tinabunan ng lupa at binili ang katahimikan ng mga saksi; kung ang ebidensya ay kayang ilibing sa ngalan ng salapi, hindi ba’t kaya ring ilibing ang mismong bayan kung patuloy itong pipikit sa katotohanan?
sa lumang bodega, nakasalansan ang mga papel na may pangalan ng mga sabungerong nilamon ng gabi—tinupi, isinilid, sinelyuhan ng kautusang huwag buksan; kung ang tao ay pwedeng gawing bilang at burahin, para saan pa ang talaan ng batas kundi maging puntod ng alaala?
yumuko ang mga punong acacia sa harap ng bulwagan ng hukuman, humihigop ng lason mula sa lupang inararo ng buwaya at pinataba ng kasinungalingan; kung ang mismong ugat ng bayan ay bulok, kailan bubunutin ang punong ito bago tuluyang maging kamandag ang dugong dumadaloy sa mga ugat ng sambayanan?
ang huling pahina ng pahayagan ay iniwang puti—walang pangalan, walang krimen, walang salarin—isang libingan para sa mga kwentong pinatay bago pa maisulat; kung ang katahimikan ay paulit-ulit na ibinibenta sa palengke ng kasinungalingan, hindi ba’t panahon na upang sunugin ang pamilihang ito at hayaang ang abo ang maging huling perang hawak ng mga salarin?
…
at kapag dumating ang araw na ang mga kalderong walang laman ay tumunog na parang kampana ng digmaan, ang bawat sigaw mula sa gutom, pang-aabuso, at pagpatay ay magiging pako sa kabaong ng mga namumunong walang konsensya; sa mga lansangang binaha ng dugo ng walang laban, bubulusok ang hukbo ng mga mukha na matagal nilang tinakpan—at sa harap ng apoy ng galit ng sambayanan, luluhod ang mga kamay na sanay mandukot sa kaban ng bayan. sapagkat kapag ang bayan ay piniling gumising, wala nang palasyo, hukuman, o sundalong makakapigil sa hatol ng kanyang sariling anak.
tala ng may-akda:
— isinulat ni @achilleusdeirdre
— ika-13 ng agosto, taong 2025
— bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
— maliliit na titik; sadya para sa lagdang pagsusulat.
Leave a comment