pinunit na liham—
nanumbalik sa aking alaala ang mga pangakong iyong binitawan—kung paano mo hinagkan ang puso kong puno ng pag aalinlangan. ang unang halik sa labi, dama ko ang ingat sa bawat dampi. hindi lamang basta halik, tila may kuwentong isinasalaysay ang iyong labi.
sa’yo ko nakita ang mundong akala ko’y hindi para sa akin. “mahal kita,” salitang sa’yo ko lang lubos naunawaan ang kahulugan. ganito pala kung tunay, ganito pala magmahal. sana’y wala nang wakas, sana’y hindi magwakas.
ngunit sino nga ba ang aking nililinlang? hindi ba’t sarili ko rin? matagal ko nang batid. ngunit mali bang dayain kahit sandali ang pusong ayaw pang kumawala sa patalim? ang magbakasaling ako naman ang iyong lingunin?
hindi kita kayang titigan sa mga mata, sapagkat sa bawat sulyap, hayag sa paningin ang iyong pangungulila—hindi sa akin, kundi sa kanya, at sa nakaraang kailanma’y hindi mo lubos na napakawalan.
dama ko pa rin ang init ng iyong halik, ang bawat dampi, ang bawat paggalaw ng iyong makasalanang labi. laging nakapikit, takot masilayan sa iyong mga mata na hindi aking wangis ang iyong iniibig.
alam kong hindi ako.
ramdam kong hindi ako—
hindi kailanman ako.
nilisan mo man ang iyong tahanan, ramdam kong ika’y nangungulila. ang mga pangakong minsan mong ibinulong sa akin, ay ang mga pangakong minsan mo na ring isinumpa sa kanya. hindi iyon kailanman naging akin. hindi kailanman para sa akin—kundi para sa kahapong hanggang ngayon ay pasan mo pa rin.
nilisan mo man ang nakaraan,
dala mo pa rin ang alaala.
at sa huli,
sapilitang pumikit
kahit mulat sa sakit.
tala ng may-akda:
— isinulat ni @achilleusdeirdre
— ika-15 ng hulyo, taong 2025
— bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
— maliliit na titik; sadya para sa lagdang pagsusulat.
Leave a comment