The Ruin Script

a sanctuary of verses—where silence shatters, wounds speak, and the condemned are silenced in flesh.

bumuhos ang ulan na sana’y masayang pinagtatampisawan ng mga bata, subalit sa kasakiman ng kontratista, bangungot ang bawat patak ng ulan sa bahang lumulunod sa sigaw ng mga mahihirap. ang pader na dapat depensa laban sa unos ay itinayo sa papel, ang haligi ng tulay na akala’y proteksyon ay gumuho bago pa man maramdaman ng bayan ang kaligtasan. sa bawat patak ng ulan, umaalingawngaw ang tanong: kaninong bulsa ba napadpad ang milyon at bilyong perang inilaan para sa kaginhawaan ng bayan?

umiikot ang kayamanan sa mga dokumentong walang laman, mga blankong papel na sinelyohan ng lagda. “ghost projects” na nagsilbing aninong kabaong ng bayan: binayaran. inilista. pinirmahan. ngunit kailanma’y hindi nasilayan ng mga matang nagbabayad ng buwis, ang bawat resibo’y naging punyal na itinusok sa dibdib ng taong bayan. hindi ba’t hindi lamang buwis kundi dugo’t pawis ang nilustay sa mga proyektong biglang nawala sa kamay ng mapanlinlang?

walang tigil ang pagnanasa ng mga kontratistang sakim humawak ng proyekto nang sa gayon bulsa’y hindi matuyo. ang bawat lagda ay sumpa, bawat tseke ay libingan ng isang pangarap ng mahihirap. habang sila’y nagbibilang ng pera, sasakyan, relo, at palasyo, may mga batang naglalakad na walang tsinelas sa putikan. hindi ba’t ang bawat kotse at alahas na ipinagyayabang na bunga kuno ng kanilang pagsusumikap ay siya sanang naging kanlungan ng mga batang palaboy sa kalsada?

ang apelyido ay hindi lamang basta ginawang pamana, kundi ginawang negosyo ng mga sakim sa kapangyarihan. “political dynasty,” dalawang salitang nakapulupot sa leeg ng bayan, sumasakal sa kaginhawaan. habang ang nakaupo’y nagpapasa ng trono sa anak, ang mga magsasaka nama’y nakayuko sa lupang halos ipagkait sa kanila. hindi ba’t tila naging alipin ang sambayanan ng mga apelyidong hinubog sa dugo’t pandaraya? 

yumayabong ang mga binabansagang “nepo babies,” mga anak na walang inintindi kundi ang karangyaan at kasaganaan ng buhay na galing sa kaban ng bayan. ang bawat “luxury bag” na hawak ay ospital at paaralan na hindi naipatayo. ang bawat “luxury car” na minaneho ay daang hindi naisagawa. at ang bawat gintong nakapulupot sa katawan at mansyon ay sikmura na dapat sana’y napakain at buhay na nailigtas. hindi ba’t ginto at buhay ng bayan ang isinugal kapalit ng kanilang luhong pinagmamalaking galing sa pagsusumikap?

ang buwis ng mamamayan ay hindi lamang numero na mandatoryang kinakaltas sa sahod ng mga manggagawa. ito’y numerong pinagtrabahuan ng marangal hindi para kurakutin ng mga magnanakaw. ang kaban ng bayan na siyang dapat gamitin upang ilawan ang madidilim na iskinita ay naging abo sa mga kamay ng mga buwaya. hanggang kailan magbabayad ng buwis-buhay ang mga manggagawang patas na lumalaban at naghihingalo sa hirap, habang nalulunod sa yaman ang mga bulok na magnanakaw?

gumising, pilipinas. huwag hayaang tabunan ng baha ang sariling tinig. hatulan ang dapat hatulan. parusahan ang mga buwayang umuubos sa kaban ng bayan. hindi tayo pipikit. hindi tayo tatahimik. atin ng pagbayarin at itarak ang punyal ng galit sa mga buwayang kanser sa lipunan.


tala ng may-akda:
 isinulat ni @achilleusdeirdre
 ika-17 ng septyembre, taong 2025
 bukas sa puna; malugod na tinatanggap.
 maliliit na titik; sadya para sa lagdang pagsusulat.

Posted in

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started